Agosto. Buwan kung saan ipinagbubunyi ang wika natin, wikang Filipino. Lahat ng Pilipino ay dapat ipagmalaki ang wikang ito dahil ipinaglaban ito ng walang takot ni dating pangulong Manuel L. Quezon. Ang pagdiriwang na ito ay hindi lamang nagpapakita ng kasaysayan ng ating wika, kundi nagpapkita rin ng pagmamahal natin sa ating sariling lenggwahe. Sa tema ng taong ito, “Wika Natin ang Daang Matuwid”, inihahatid nito na ang wikang Filipino ay wika ng katarungan at kapayapaan at ito rin ang wikang lalaban sa katiwalian.
Noong Agosto 31, 2013, ipignagdiwang ng Tarlac Christian College ang Buwan ng Wika 2013. Nagsimula ang programa ng alas otso ng umaga sa isang panalangin na pinangunahan ni G. Jayson Ofrecio at sinundan naman ito ng pag-awit ng grupong Choristers ng Lupang Hinirang. Agad namang tinawag ng mga punong abala ang magbibigay ng pamungad na pagbati na si Micaela Balweg, baitang 8 mula sa seksyong Ezekiel. Pagkatapos naman ng ilang minuto, inanunsyo ng mga MC na ang patimpalak sa pagiging binibining Maria Clara ay uumpisahan na, ito ay nagdulot ng kasiyahan sa mga estudyante, guro at maging sa mga magulang. Bago ang timpalak, ipinkilala muna ang mga hurado na susubok at magdedeklara kung sino ang magwawagi, ito ay sina G. Willy Tangona, Gng. May Viuya at Gng. Jovy Manzano. Ang nasabing patimpalak ay nilahukan ng mga estudyante mula baitang 7 hanggang baitang 10, lahat ay nagpakita ng sari-sariling alindog mula sakanilang Pilipiñang suotin at maging sakanilang inihandang maikling talumpati tungkol sa wikang Filipino. Ngunit gaya ng ibang patimpalak, tatlo lamang ang dineklarang Binibining Maria Clara at ito ang mga sumusond: Gleanna Marie Cuyugan (Bb. Maria Clara 2013), Julia Martina Dela Cruz (Pangalawang Bb. Maria Clara) at Jay Anne Nuqui (Pangatlong Bb. Maria Clara). Ngunit hindi rin naman nagpahuli ang ibang kalahok dahil mayroon rin naman silang nakuhang titulo, ito ang mga sumusunod: Andrea Valencia (Bb. Kaunlaran), Nicole Anne Dancel (Bb. Kapayapaan), Jamila Kabir (Bb. Katarungan), Princess Lyka Pasague (Bb. Kalikasan) at Ezra Balajadia (Bb. Laban sa Kahirapan).
Hindi lamang doon natapos ang programa, nagpakita rin ang bawat seksyon at baitang ng kani-kanilang presentasyon na ikinatuwa ng mga manonood. Lahat ng presentasyon ay pinagbutihan at itinanghal ng mga estudyante ng maayos, syempre, ito ay dahil sa tulong ng aming guro na si Gng. Mirasol Pigar na ibinuhos ang lahat ng kanyang pagod sa programang ito. Bawat baitang ay nagpakita ng sari-sariling presentasyon tulad ng pag-awit,sabayang pagbigkas at balagtasan.
Hindi rin naman nagpahuli ang mga bulinggit ng Tarlac Christian College, ang mga estudyante ng elementarya hanggang pre-school ay nagtanghal rin ng kanilang iba’t-ibang presentasyon. Ang iba ay umawit habang ang iba naman ay nagtula at mayroon din namang nagpakita ng interpretasyon ng awiting “Bayan Ko”. Marami ang naantig sa presentasyong ito dahil ipinakita nila ang paghihirap ng ating mga bayani para ipagtanggol ang ating bansa sa mga nangaping mananakop. Sa kabilang banda, ang mga magulang ng mga batang ito ay sobrang nasiyahan dahil nakita nila ang kanilang mga anak na nagtanghal sa harap ng maraming tao. Habang ang mga guro naman ay natuwa dahil sa maagang edad pa lamang ng mga estudyanteng ito, alam na nila ang kahalagahan ng wikang Filipino. At gaya ng mga estudyante ng sekondarya, nagkaroon din ang mga Pre-schoolers ng paligsahan para sa pagiging lakan at lakambini 2013. Kahit na bata pa lang, nagpakita ang mga kalahok ng kakaibang kumpyansa sakanilang pagsasalita at pagdadala ng kanilang mga suotin. Sa huli, tatlo ang itanghal na kampeon sa nangyaring labanan, tatlo sa babae at tatlo din sa mga lalaki. Ito ang mga sumusunod na nagwagi sa lakambini: kalahok #6 (1st), kalahok #4 (2nd) at kalahok #5 (3rd). Sa lakan naman ay ang mga sumusunod: kalahok #1 (1st), kalahok #6 (2nd) at kalahok #4 (3rd). Umuwi ang lahat ng estudyante at magulang ng masaya dahil sa nangyaring programa.